Ang SANLAKAS ay isang pambansang koalisyon ng mga samahan ng mamamayan at iba’t ibang sector ng lipunan na nagkakaisa sa pakikibaka para sa panlipunang pagbabago. Itinatag ito noong 1993.
Mula pa noong 1998, nakibaka na ang Sanlakas sa larangan ng lehislatibo bilang organisasyong partylist na kumakatawan sa mga napapabayaang sektor sa loob ng kongreso, ipinaliliwanag ang kanilang pananaw at nagbubunsod ng mga aksyon upang tiyaking sa kanilang interes ang mga pambansang batas at patakaran.
Isinasagawa ang lahat ng pinaka-posibleng pagkakataon upang itaguyod ang kahilingan ng mamamayan at isinasama ang iba’t ibang maytaya sa bawat posibleng larangan – mula sa ‘parlyamento ng lansangan’, tungo sa Mababang Kapulungan ng Kongreso, hanggang sa Kataas-taasang Hukuman – pinadama ng Sanlakas ang kanyang presensya. Inukit nito ang kanyang sariling kaangkupan sa pambansang pampulitikang tagpo bilang matapat na tagapagtaguyod ng pagpapalaganap ng karapatang pantao at katarungang panlipunan.
Ibinabahagi ng SANLAKAS sa bawat Pilipino ang pangarap ng isang mapayapa, progresibo at demokratikong bansa anuman ang edad, kasarian, katutubong pinagmulan, kultura, panlipunan, pulitikal, at pang-ekonomyang kalagayan:
- May pantay na pagkakataon na magtitiyak na sila at ang kanilang pamilya ay may trabaho at maaasahang pamamaraan upang matiyak ang mga rekurso na magtitiyak na may makakain sila sa hapag-kainan, tuklasin ang akmang serbisyong pangkalusugan hangga’t kinakailangan, tumira sa isang disenteng abot-kayang pabahay, at malinis, ligtas, at matiwasay na pamayanan.
- May oportunidad na makalahok sa mga pagsisikap sa pamayanang kaunlaran na nagtataguyod ng tiwala sa sarili at makipagtulungan, at palakasin ang mamamayan sa pagtatatag ng isang tunay na demokrasyang ‘ nakasentro sa taumbayan’ mula sa masa hanggang sa pambansang antas ng pamahalaan.
- Kayang abutin ang ganap na proteksyong legal sa pamamagitan ng patas at tuluy-tuloy na pagpapatupad ng mga batas na maka-mamamayan.
- May dahilan upang umasang matatamo ngayon kaysa sa di-makitang hinaharap ang layunin tungo sa mas maunlad na kabuuang kalidad ng buhay, at makakamtan ng lahat ng Pilipino di lamang ng iilang nag-aari ng kayamanan at namamahala sa bayan. Ibinabahagi ng SANLAKAS ang pananaw at paniniwala ng ating mamamayan upang panghawakan ang katarungang panlipunan, ipagtanggol at itaguyod ang karapatang pantao, dapat nating durugin ang lahat ng uri ng mapagsamantalang pampulitika, pangekonomya, panlipunan at pangkulturang sagka, tulad ng:
- Pag-eetsa-pwera sa manggagawa, magsasaka, mangingisda, maralitang lungsod at kanayunan mula sa matinding patakaran at proseso ng pagpapasya, at istruktura ng pamamahala.
- Pagsasamantala at pang-aapi sa kababaihan sa tahanan, sa pagawaan, sa midya at sa iba pang kontekstong panlipunan at pangkultura; diskriminasyon sa mga bakla at tomboy at iba pang tao nang dahil sa kanilang oryentasyong sekswal.
- Garapalang pagwawalang-bahala at patuloy na pagyurak sa mga karapatan ng mga Moro, lumad, at iba pang katutubong mamamayan at ang patuloy na patakarang digmaan upang supilin ang kanilang siglosiglong tanda ng pakikibaka laban sa pananakop, ang kanilang pakikibaka para sa kapayapaan sa kanilang sariling lupaing ninuno.
Tuluy-tuloy na pagkilos tungo sa tunay na repormang pulitikal sa lahat ng antas ng pamahalaan at panatilihin ang aktibong pakikisangkot ng sambayanan sa pambansang kaunlaran, dapat nating itaguyod at pagtibayin ang ating prinsipyo:
• Na ang tunay na demokratikong pamahalaan ay natatangi kung saan ang kapangyarihang pulitika ay nasa kamay ng mayorya ng ating mamamayan.
• Na ang desentralisado at awtonomyang istrukturang pamamahalang lokal ay dapat pagtibayin sa pamamagitan ng pagtataguyod ng mga prinsipyo ng walang itinatago at pananagutan sa lahat ng nanunungkulan sa publiko.
• Na ang pambansang kaunlaran ay matatamo sa pamamagitan ng nagsasariling ekonomya, na:
- Malaya mula sa dayuhang paniniil at pananamantala;
- Pagsisikap tungo sa balanseng kaunlaran sa agrikultura at industriyal;
- Pagtitiyak ng pantay na hatian ng rekurso at yamang panlipunan;
- Pagtataguyod ng makakalikasan, makakapaligirang pagdepensa at sustenableng kaugalian sa produksyon, pamilihan, at pamamahagi ng mga kalakal at serbisyo.
• Na ang tunay na daigdigang pagkakaisa ay dapat nakabatay sa walangpakialaman, mutwal na pagtutulungan, at mapayapang pag-iral ng mga bansa at ng mamamayan, kung kaya:
- May tratadong mapanlinlang tulad ng umiiral na kasunduang military sa Estados Unidos ay dapat na walang puwang sa ating patakarang pandayuhan.
- Lahat ng makatarungang daigdigang kumbensyon, kasunduan, at tratado, tulad ng yaong hinggil sa mga karapatang pantao, krimen mula sa digmaan, pangangalaga sa kapaligiran, at ng mga tulad nito, ay dapat ipatupad at sundin ang katitikan at diwa nito.
- Isang patakaran ng dipagpapangkat-pangkat na dapat kandiliin, pagbatikos sa lahat ng anyo ng digmaan o pananalakay na inilunsad ng ibang bansa laban sa iba pang malayang bansa.
- Mas aktibo at alistong pagpupunyagi sa panig ng pamahalaan ay kinakailangasa pagtatanggol at pagtataguyod ng mga karapatan at kagalingan ng mga migranteng manggagawang Pilipino.
Ang SANLAKAS ay matapat sa pagsasalin sa kongkretong aksyon ng mga retorika ng prinsipyo at matibay na paniniwala sa pamamagitan ng:
- Pagsasagawa ng mga programang pang-edukasyunal, pananaliksik, at kampanyang impormasyon hinggil sa mga nagaganap na isyung pambansa at panlokal, pati na rin mga daigdigang usapin na nakakaapekto sa sambayanan.
- Pag-oorganisa ng taumbayan sa mga pamayanan at lugar ng trabaho at pagaangat ng kanilang kakayahan bilang aktibo at responsableng kasapi o pinuno ng kanilang pamayanan at ikintal sa kanilang puso’t isipan ang kahalagahan ng pagkakaisa at pagtutulungan.
- Pagmomobilisa ng taumbayan at iba pang maytaya sa pagsasagawa ng angkop na aksyon at malikhaing aktibidad bilang tugon sa mga ispesipikong isyu o polisiya na nakakaapekto sa kanila.
- Lehislatibong adbokasya at gawaing pagla-lobby upang matiyak na ang tinig at kahilingan ng mga napapabayaang sektor ay mapalaki at mapakinggan sa Kongreso.
- Gawain sa daigdigang pagkakaisa sa pamamagitan ng pakikisalamuha sa mga taga-ibang bansa at pagdalo sa mga daigdigang panlipunang kilusan.